[Mod 4] Fallacies, Trolls, at ang mga Bully



by Ronald Michael Quijano, LPT

Kailan pa tayo humantong sa ganito?

Simula dati pa.

Simula pa nung panahon kung saan ang mga may laman at makahulugan ang salita ay kinatatakutan.
Simula pa nung ang mga pilosopo ay ginagawan ng haka-haka na sa utak ay may tama.
Simula pa nung ang pamamahayag o paglalathala ng katotohanan ay kinamumuhian.
Simula pa nung tumaliwas ang isa sa kinagawian ng karamihan.
Simula pa nung naging takbuhan ang karahasan ng mga taong di magamit ang katalinuhan.

Noon pa yan. Gawain na yan ng mga taong dinikit ang prinsipyo at puri sa paniniwala o opinyon nila. Sa nakaraang modyul -kung saan pinatutukuyan ni Plato ang tatlong bagay na pinagmumulan ng desisyon at pangangatwiran - ay minungkahi na ang dapat na gumagabay at manguna sa pangangatwiran ay ang Rational/Logical soul. Pinalalabo ng emosyon ang ating isip kapag ito ang nangibabaw sa pakikipagtalakayan. Dahil kung nakadikit ang ating prinsipyo sa ating pinaniniwalaan, sa oras na may kumuwestiyon at pinabulaanan ito, magsasara ang ating isipan sa pakikinig at pagiging kritikal upang suriing mabuti ang ating pinanghahawakan.

Lahat tayo ay may karapatang maghayag. "Free Speech" ay isa sa mga inaawangang karapatan ng demokrasya. Ang partisipasyon ng mamamayan sa pagmumungkahi ng kaniyang matalinong opinyon (matalinong opinyon at hindi opinyon lang) ay isang katangiang pinagpupugayan ng progresibong bansa. Ngunit, ang malayang paghahayag ay di nangangahulugang malaya rin sa di pagsang-ayon. Kaakibat ng paglalatag ng ideya sa talahanayan ay ang pagsusuri rito ng walang halong pagkapanatiko.

Ang argumento, opinyon, ideolohiya, at paniniwala ay nakalaan upang suriin at pag-usapan. Upang malaman kung lohikal at wasto ang argumento, ito ay pinahahayag - pinakakawalan upang basahin at suriin ng iilan. Sa asignaturang pagsulat (writing) - sa hayskul at kolehiyo - tinuruan tayo kung paano maging isang kritikal na manunulat at mambabasa. Hihimayin ang mga puntong pinagkakasunduan at di pinagkakasunduan ng nagbabasa (ikaw) at ng may-akda. Sa pagiging kritikal natin nasasala ang mga ideya na dapat at di dapat panghawakan. Ito'y upang mailayo tayo sa nakagawiang paglunok ng kahit anong ideya nang di man lang pinag-uusapan.

Kung ayaw mong makarinig ng pagsisiyasat at di pagsang-ayon sa iyong opinyon - itago mo ito sa iyong sarili, isara ang bibig at habambuhay manahimik.

(Sorry, ang haba ng intro ko.)

Maingay nanaman sa social media. Naglabasan nanaman ang mga bullies at mga trolls, dapat nga wala na tayong panahon sa kanila eh. Sabi sakin ng mentor ko sa philosophy noon "Bilang isang kritikal, dapat marunong din tayo mamili kung sino lang ang karapat-dapat paglaanan ng panahon," totoo, pero sa panahon kasi ngayon, masyado nang malakas ang impluwensya ng trolls at bullies. Kapag ignorante ang mga tao, madaling mapasunod, madaling malason ang utak. Naiintindihan ko naman kung bakit mababaw ang argumento ng iilan - matanda na, di nakapag-aral, underpriviledge, at mahina talaga ang utak. Pero may iilan din kasi na ang babaw kahit graduate naman ng college.

Sa module na ito ay susubukan kong ipaliwanag ang mga karaniwang kamalian sa pagrarason. Nakakatukso itong gamitin, at mukha itong makatwiran sa mga ignoranteng kausap mo. Naalala ko dati, bago ko ito aralin ay gamit na gamit ko rin itong mga 'to. Madali nga namang manalo at itaob ang kalaban kung ignorante rin sa konseptong ito. Pero matapos itong i-discuss ng titser namin sa Philosophy, para bang bumukas yung mata mo at kung saan-saan mo na naririnig at nakikita. Parang magic!

Sabi nila, kapag daw parami nang parami ang nalalaman mo, patanga nang patanga ang mga tao sa paligid mo. Siguro pamanggit sa pananaw mo, dahil walang nagbago sa kanila, may nalaman ka lang talaga. Ang pinatutukuyan kong kamalian o kahinaan ng argumento ay tinatawag na "Logical Fallacies". Ito ang depekto sa ating pagrarason, maaring sadya o di sinasadya. Madalas sinasadya itong gamitin upang makapanlinlang ng mga ignoranteng makakabasa at makakuha ng maraming pabor. Marapat lang na pag-aralan ang fallacy upang malinis natin ang ating argumento at mapagtibay ng walang depekto.

May dalawang klase ang fallacy; Formal fallacy ay naglalarawan ng maling pagsasaayos ng buong argumento, samantalang ang Informal fallacy ay naglalarawan na may maling laman ang argumento.

Isipin mo; nung sinusuri ni Hegel ang mga argumento ni Kant, o nung si Kant ay sinusuri ang mga argumento ni Hume, at si Hume naman ay sinusuri ang mga argumento ni Locke, karamihan sa kanilang ginagawa - kapag sinusubukan nilang pagtibayin ang kanilang mga argumento - ay mainam at matalinong sinusuri ang pangangatwirang humahaligi sa kung bakit ito ang kalagayan.

Take note: Ignorante ang mga trolls o bullies. Hindi nila 'to bibigyang konsiderasyon, kasi intindihin natin na mababaw na pagsusuri lang ang kaya ng utak nila. So, simulan na natin;

1. Ad Hominem / Fallacy of Personal Attack

Walang pormal na yari ito, pero malupit ito. Ilan sa mga suki nito ay yung mga tagahanga ng Fliptop. Ito yung imbis na argumento yung pinag-uusapan, mang-aasar na lang kasi di kaya ng utak maging kritikal. Yung nag-research ka ng napakaraming ebidensya at hinasa mo mabuti yung argumento mo para naman worth it - tapos sasagutin ka lang ng;
- Dami mong alam.
- May pinag-aralan ka naman, bakit ganiyan ka mag-isip?
- Ang bobobo niyo! Ang tanga-tanga mo naman!

At marami pang iba. Isang dakilang Joker di ba? Tip lang; please, wag kayo papatol at bababa sa lebel ng mga ito. Okiiiee? Tandaan na ang lumalabas sa isip o bibig ng tao ay isang repleksyon ng kanyang pagkatao.

2. Ad Populum/ Fallacy of Popularity

Hindi dahil marami ang nagsasabi o humahawak sa isang opinyon ay nangangahulugang totoo na ito. O kaya, hindi dahil maraming likes, shares, and comments ang opinyon ay tama na ito. Hangga't maaari, umiwas tayo sa madla. Pinapakain nito ng pabor ang ating prinsipyo at hindi ito maganda para sa isang matalinong argumento.

Naalala niyo nung sinaunang panahon? Sabi ng nakararami na ang mundo raw natin ang sentro ng sansinukob? Tama ba? Totoo ba? Kung walang nagsiyasat at hinamon ang paniniwala ng nakararami, malalaman ba natin ang totoo? Eh nung naniniwala ang mga tao na patag ang daigdig? Anong ginawa sa mga kumuwestiyon? Pinahirapan, pinatapon, kinulong, at pinatay. Hanggang ngayon, kamumuhian ka kapag nagtanong ka tungkol sa kinagawian na nila.

Halimbawa;
P1 - Trending sa Twitter ang #OustDuterte
C1 - Tama lang na pababain sa pwesto ang Pangulo

Halimbawa;
P1 - Legal na sa karamihang bansa sa asya ang Marijuana
C1 - Dapat na rin natin itong gawing legal.

Hindi nasusukat sa dami ng naniniwala ang pagiging tama. Hindi lagi nangangahulugang moral ang pagiging legal.

3. Begging the Question / Circular Argument

Nangyayari ito kapag ang konklusyon ng argumento ay pinalagay na totoo ng premis, imbis na suportahan ito. Ibig sabihin, ipinagpalagay mo itong totoo ng walang pagpapatunay o ebidensya. Sa madaling salita ay pinaiikot-ikot lamang nito ang argumento. May dalawang uri ng  Circular Argument - (1) Circularity by Equivalency, kung saan ang premis ay katumbas ng konklusyon, kung saan pareho lang ng sinasabi ang premis at konklusyon. Habang ang (2) Circularity by dependency ay tumutukoy sa kung saan ang konklusyon at premis ay nakadepende sa isa't-isa

Halimbawa ng Circularity by Equivalency
- Ang musika ay mas mataas ng uri ng sining kaysa paggawa ng pelikula. Samakatuwid, mas magaling ang pinagsamang tono kaysa imahe. 
Halimbawa ng Circularity by Dependency
- Ang bibliya ay kinasihan ng diyos, dahil sabi sa Timoteo 2 "Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,"

4. False Equivocation

Ito naman ay kung ang kalawakan ng termilohiya o ng salita ay ginamit sa iba o nang wala sa konteksto. Madalas na hindi angkop ang konteksto ng salita kaya nag-iiba ang kahulugan.

Halimbawa;
P1- Ang mga taga-suporta ng pangulo ay tinatawag na DDS
P2- Si Nora ay miyembro ng DingDong Dantes Supporters (DDS)
C1- Si Nora ay taga-suporta ng pangulo

Ang salitang DDS ay pareho ng komposisyon pero magkaiba ang depenisyon. Dapat nating isaalang-alang na ang pagkakaintindi natin sa komposisyon ng lenggwahe ay nakabase sa konteksto.

Halimbawa;
Ipagpalagay natin na ang isang sikat na News Agency ay binatikos dahil sa pagpapakalat nito ng chismis tungkol sa isang artista. Nagbigay ng argumento ang News Agency;
P1 - Tungkulin ng pamamahayag ang maglabas ng kwento na sakop ng interes ng mga mamamayan.
P2 - Interesado ang mga mamamayan sa chismis tungkol sa buhay ng mga artista.
C1 - Tama lang na ilabas ng News Agency ang ganitong istorya.

Sa P1, ang konteksto ng salitang "interes" ay tumutukoy sa bagay na makakapagbigay ng benepisyo sa isang tao o grupo. Halimbawa; interes ng tao ang pinaglaanan ng kanilang tax upang siguruhing ang sukdulang gamit nito. Habang ang konteksto ng salitang "interes" sa P2 ay ang mga bagay na kinatutuwaan mong gawin.

5. Straw Man

Pag-aakusa sa kausap mo sa posisyon o pahayag na hindi naman niya pinanghahawakan. Nangyayari ito kapag di naintindihan ng kausap mo ang posisyong pinaglalaban mo.

Halimbawa; Nagpost ka sa Facebook ng argumento;
P1 - Ang COVID-19 ay isang medical emergency na nangangailangan ng medikal na atensyon.
C1 - Hindi lang dapat military checkpoints ang i-implement.

Tapos sinagot ka ng troll mong friend sa FB ng;
- Anong gusto mo? Mga doktor ang magbantay sa checkpoint? Tanga ka ba?

(Kuhang-kuha noh? Hahahah) Mag-ingat ka sa mga ganito, nakapadaling manghimok ng ignorante ang fallacy na 'to. Makikita na tinatatakan ka ng kausap mo sa posisyon o opinyon na hindi naman nanggaling sayo. Ibig sabihin, ginagawan nila ng maling representasyon ang sinabi mong opinyon o posisyon na mas madaling pabulaanan. Mahirap pa diyan kapag pinasan o dinikit sa pagkatao mo ang lahat ng katangian ng opinyong pinaglalaban mo.

Halimbawa; Sa gitna ng ECQ, nagbigay ang pangulo ng "Shoot to Kill" order sa kapulisan para sa mga lalabag at manlalaban na maaring ikapahamak ng mga pulis. Tapos naghayag ka ng argumento mo sa FB ulit;
P1 - Ang "Shoot to Kill" order ay para sa mga hindi na matagalang potensyal na kapahamakan.
P2 - Walang konkretong plano ang gobyerno para sa alternatibong pagkukunan ng mga mamaayan ng kanilang ikabubuhay.
P3 - Maaring mag-amok ang mga tao
C1 - Hindi dapat nagbaba ng "Shoot to Kill" order

Tapos sinagot ka ulit ng troll mong friend sa FB ng;
- Yung "Shoot to Kill" naintindihan, pero yung "Stay at Home" hindi. Tanga-tanga ka ba?
- Sabi sa mga manlalaban lang, hindi sa kahit sinong nasa labas - Ano 'to? Counterstrike? Gago ka ba?

Oh! Baka trigerred nanaman. Halimbawa lang yan. Nakikita ko lang sa FB.

6. Slippery Slope

Kapag nangyari ang isang bagay, marami na itong kasunod. At kadalasan ay hindi ito maganda. Obvious naman yung problema di ba? Nagsisimula ito kapag pinagpalagay mo na kasunod ng unang pangyayari ay lahat ng di kaaya-ayang resulta. Sa paglalarawan, mabilis kang dumulas pababa sa mga posibleng mangyari kung tatanggapin ang mga premis.

Halimbawa;
P1 - Kapag binigyan mo si Totoy ng papel, makikita ng iba mong kaklase.
P2 - kapag nakita ng iba mong kaklase, manghihingi silang lahat sayo.
P3 - Kapag nanghingi silang lahat sayo, lahat sila bibigyan mo.
C1 - Samakatuwid, Kapag binigyan mo si Totoy ng papel, kailangan mong bigyan lahat.

Dahil isa itong Informal Fallacy, hindi mali ang kabuuan nito. May mali lang sa nilalaman ng argumento. Sukat naman ang lalim naman ng nabuo nitong konklusyon, sadyang may di lang wastong pakinggan sa nilalaman nito. Mas mainam na suriin natin tuwing nakakarinig tayo ng ganitong argumento gamit ang mga sumusunod na tanong;

a. Hindi ba talaga kaaya-aya ang resulta?
b. Ang mga nabanggit bang epekto ay maari talagang mangyari?
c. Mas matimbang ba ang premis kaysa benepisyo?

Halimbawa; Pinahinto ng MMDA officer ang nagmamaneho dahil tumatakbo ang sasakyan nito ng 61 mph sa kalsadang may speed limit na 60 mph. Nakiusap ang nagmamaneho na pagbigyan na lang dahil 1mph lang naman ang nilagpas nito. Pumayag ang MMDA officer at inabsuwelto. May pinara ulit siya dahil tumatakbo ito ng 67 mph. Nirason niya na dapat ay pagbigyan siya dahil pinagbigyan niya ang nauna, at dahil 1 mph lang ang nilamang niya sa nauna. At tuloy-tuloy na, hanggang di mo na kontrolado ang mga pagdausdus ng argumento pababa. 

7. Red Herring

Gamit na gamit to sa Facebook kapag di nila alam isasagot sa argumento mo. Simple lang ang Red Herring; nililihis ang usapan sa dapat na pinag-uusapan. Mukha rin 'tong tama pag pinakinggan, pero pag sinuri mo mabuti, walang kinalaman ang sagot nila sa argumento mo.

Pinakamababaw na halimabawa;
Argumento: Ang mainam na responde sa COVID crisis ay hindi lang dapat military force - mas matimbang dapat ang pwersa ng medikal approach.
Sagot ng troll: Puro ka reklamo, ano bang ambag mo.?

Nangyayari ito kung saan, ang premis - totoo man o hindi - ay walang kinalaman sa isyung pinag-uusapan.

Halimbawa; Dinidinig sa husgado ang kaso ng pagpatay laban sa suspek na si Natoy.
Prosecutor: Hindi kutsilyo ang ginamit sa pagpatay, hindi rin baril, kundi chainsaw. Isang karumaldumal na paraan para patayin ni Natoy ang biktima.

Totoo na karumaldumal ang mamatay sa chainsaw. Ngunit wala itong kinalaman sa pagdinig sa salang pagpatay na ibinibintang sa suspek na si Natoy. (Dahil si Natoy lang ito, na mahal na mahal ka.)


8. Appeal to Consequences

Gasgas na gasgas na 'to, at ganito nila yan gamitin; ipagtataltalan nila kung paano naging totoo o hindi ang isang bagay sa paga-apela kung gaano nila kagusto ang kahihinatnan kung sakaling totoo ang ipinagtataltalan nila. Sa madaling salita, hindi dahil mas maginhawa ang kahihinatnan ay totoo na ito.

Construct;
P1 - Kung X, ang Y ay mangyayari.
P2 - Maganda/mabuti ang kahihinatnan ng Y
C1 - Samakatuwid, totoo ang X.

Halimbawa;
P1; Kung walang Diyos, ibig sabihin pwede nang gawin ang lahat ng bagay.
P2; Dahil kung walang Diyos, maraming gagawa ng masama; ganiyang pamumuhay ba ang gusto niyo?
C1; Dapat merong Diyos.

Na-gets mo? Walang kinalaman ang kagustuhan mong maging totoo ang isang bagay sa pagiging totoo nito. Ang katotohanan ay hindi nakasandal sa persepyon o pananaw ng tao. Kahit pa maglaho ang lahat ng tao sa buong mundo, sasang-ayon ka na walang magbabago sa kung ano ang paraan ng aktwalidad.

9. Affirming to Consequent

Construct;
Kung P, kung gayon Q

P - (Antecedent) Ang sitwasyon na pinagbungahan ng kondisyunal na Q
Q - (Conditional Consequent) Ay kondisyunal na bunga ng P

Halimbawa;
P1 - Kung di binaril ng Pulis yung baliw
C1 - Kung gayon, patay yung pulis

(Oh! Baka triggered ka, halimbawa lang yan. Snowflake)

Isa pang makamundong halimbawa;
P1 - Ang magaling na presidente ay kayang makita ang matagalang polisiyang pang-ekonomiya.
P2 - Nakikita ito ni Donald Trump simula pa lang.
C1 - Magiging magaling na Presidente si Donald Trump.

Naging mali ang argumento dahil sa kakulangan ng salik upang magresulta sa C1. Sa busaksak naman ng bunga, kahawig nito ang Reductio ad Abdurdum;

Construct;
P1 - Assume P is true.
P2 - From this assumption, deduce that Q is true. Also deduce that Q is false.
C1 - Thus, P implies both Q and not Q (a contradition, which is necessarily false.)
C2 - Therefore, P itself must be false.

10. Hasty generalization 

Kamukha ng Affirming to Consequent ang hasty Generalization kung saan, walang matibay na sandalan ang palagay mo na pagdamay sa pangkalahatan: Halimbawa - "Ang mga bumabatikos sa Presidente ay mga komunista" o kaya "Ang mga sumusuporta sa presidente ay mga trolls at retarded."

11. Denying the Antecedent

Nangyayari ito kapag tinatanggi natin ang kondisyunal na premis na magbubunga sa kondisyunal na konklusyon.

Construct;
Hindi P, samakatuwid, hindi Q

Halimbawa;
P1 - Kung hindi ka teacher, wala kang trabaho
P2 - Hindi ka naman teacher
C1 - Wala kang trabaho

Makikita na ang P2 ay itinatanggi ang antecedent. Ang premis na ito ay di pinakahuhulugan na ang mga teacher lamang ang may trabaho. Hindi wastong ipagtaltalan na dahil hindi ka teacher ay wala kang trabaho. Ang kondisyunal na konklusyon ay wastong i-rason sa kumpirmasyon ng antecedent. Ngunit hindi wastong itanggi ang antecedent upang pabulaan ang consequent.

12. Fallacy of Composition

Pinatutukuyan nito ang pagiging totoo ng kabuuan sa pagiging totoo ng parte na bahagi ng kabuuan. Ipagtataltalan na totoo ang kabuuan dahil lamang totoo ang ilang bahagi nito. Nagiging mali ito kung ipapalagay natin na ang katangian ng mga bahagi ng kabuuan ay katangian din ng mismong kabuuan.

Construct;
P1 - Bahagi ng kabuuan ng A ay may mga katangiang X, Y, at Z
C1 - Samakatuwid, ang kabuuan ng A ay may katangiang X, Y, at Z

Halimbawa;
-Ang number 3 at 7 ay odd numbers.
-Ang 3 at 7 ay may katangian ng pagiging odd number.
-Ang dalawa ay parte ng kabuuan ng number 10.
-Pag pinagsama ang 3 at 7 ay 10.
-Ngunit di wastong ipalagay na ang 10 ay odd dahil lang ang mga bahagi nito ay odd.

Halimbawa;
P1 - Ang mga atoms ay walang kulay.
P2 - ang pusa ay gawa sa mga atoms.
C1 - Samakatuwid, ang pusa ay walang kulay.

Ps. Kung may makita po kayong pusang walang kulay, paki-email kami. Salamat.

13. Fallacy of Division

Kabaligtaran lang ito ng Fallacy of Composition. Ipagtataltalan na ang katangian ng kabuuan ay katangian din ng ilang bahagi nito. Nagiging mali ito kung ipapalagay natin na ang katangian ng kabuuan ay katangian din ng mga bahagi o miyembro nito.

Construct;
P1 - Ang buong A ay may mga katangian X, Y at Z
P2 - Bahagi ng P ang A
C1 - Samakatuwid, ang P ay may katangiang X, Y, at Z

Halimbawa;
P1 - Ang Hukbong Kapulisan ng Pilipinas ay matalino at kritikal.
P2 - Si PO1 Dudung Charing ay parte ng Hukbong Kapulisan ng Pilipinas
C1 - Si Dudung Charing ay matalino at kritikal.

Obvious naman kung paano naging mali diba? Hindi nangangahulugan na ang katangian ng Hukbong Kapulisan ng Pilipinas ay katangian din ng mga miyembro o bahagi nito. Peksman! Di lahat.

14. Appeal to Ignorance

Kahit kailan, madaling gamitin ang pagiging ignorante ng kausap mo sa isang argumento. Mukha ka mang tama, wala ka naman mapapala, mukha ka lang tama. Walang kinalaman ang pagiging ignorante ng kausap mo sa pagiging tama mo.

Halimbawa;
- "Hindi mo nga mapatunayan na walang Alien eh. Tapos sasabihin mo saking walang Alien?"

15. Appeal to Hypocrisy

Ginagamit mong panabla ang ka-hipkritohan ng kausap mo para magmukhang tama yung posisyon mo.

Halimbawa;
- "Sino ka para sabihing masama sa kalusugan ang pagyo-yosi? Ikaw nga nagyo-yosi."

16. Appeal to Authority

May tamang awtoridad sa ibang bagay. Ngunit di nangngahulugang kapag sinabi ng mas mataas o awtoridad ay totoo o tama na.

Halimbawa;
- "Ako pa tatanungin mo kung tama ang sinasabi ko? Ako ang teacher dito!"
- "Si Mama na nagsabi na may aswang sa talahiban, aya mo pang maniwala."

Sa kabuuan, mahalagang malaman ang logical fallacies upang mahasa natin ang ating argumento nang malayo sa pagiging trapo. May nagtanong sakin na estudyante ko noon; "Sir, kung epektibo naman pala sa panghihikayat ang fallacy, bakit di pwedeng gamitin?" Good point! Di ba? Kung nagagamit naman pala sa panghihikayat, bakit hindi?

Ang problema, ang usapang panlipunan, pang-ekonomiya, panrelihiyon at pampulitika ay hindi nakatuon sa panghihikayat, kundi sa pagresolba ng problema. Kung salesperson ka o promodiser, okay lang.

Isa pa, ang debate ay di dapat gawing boxing ring, na may mananalo at may matatalo. Kaya kayo nagpapakawala ng ideya ay para malaman ang totoo, tama, at kapakipakinabang. Dahil kung pagtutuunan mo ng pansin ang pagkapanalo, gagawin mo lahat malinlang lang ang mga nakikinig upang pumanig sayo.

Maging transparent sa pagsusuri ng ideya. At kung ayaw mong makarinig ng di pagsang-ayon sa opinyon mo o ayaw mong hamunin ang tibay ng argumento mo - wag mong ipost, wag mong ishare, solohin mo at manahimik ka na lang.

PS. Ipagpaumanhin niyo po ang aking pagsusulat. Patuloy ko pong inaaral ang epektibong pagsusulat gamit ang ating sariling wika.

PSS. Wag personalin ang mga halimbawa. Yan lang po ang madalas na napapansin ko sa FB. Pwede ka magcomment ng halimbawa mo. Salamat.

May gusto ko bang idagdag sa usapan? May gusto ka bang pabulaanan sa mga nabanggit? Ibahagi ang iyong opinyon sa comment section.

Maraming salamat at mabuhay tayong lahat!

- End -

Recommendation
Improve your knowledge with this free podcast;

Click the link to listen/download

Philosophize This - Episode 73; 
How to Win an Argument part 1

Philosophize This - Episode 73; 
How to Win an Argument part 2




References and further readings;

Curtis, Gary N., Fallacy Files
Copi, Irving M. and Carl Cohen. Introduction to Logic. Prentice Hall, 1998.
Doury, M. 2011. “Preaching to the Converted: Why Argue When Everyone Agrees?” Argumentation26(1): 99-114.
Dowden, Bradley, Fallacies, entry in the Internet Encyclopedia of Philosophy.
Eemeren F.H. van and R. Grootendorst. 1992. Argumentation, Communication, and Fallacies: A Pragma-Dialectical Perspective. Hillsdale, NJ: Lawrence Erblaum Associates.
Goodwin, J. 2007. “Argument has no function.” Informal Logic 27 (1): 69–90.
Govier, T. 2010. A Practical Study of Argument, 7th ed. Belmont, CA: Wadsworth.
Govier, T. 1987. “Reasons Why Arguments and Explanations are Different.” In Problems in Argument Analysis and Evaluation, Govier 1987, 159-176. Dordrecht, Holland: Foris.
Groarke, L. and C. Tindale 2004. Good Reasoning Matters!: A Constructive Approach to Critical Thinking, 3rd ed. Oxford: Oxford University Press.
Hansen, H.V., and C. Fioret, 2016. A searchable bibliography of fallacies—2016, Informal Logic, 36: 432–72.
Hitchcock, D. 2007. “Informal Logic and The Concept of Argument.” In Philosophy of Logic. D. Jacquette 2007, 101-129. Amsterdam: Elsevier.
Hurley, Patrick J. A Concise Introduction to Logic. Thornson Learning, 2000
Informal Logic, an open-access journal.
Johnson, R. and J. A. Blair 2006. Logical Self-Defense. New York: International Debate Education Association.
Johnson, R. 2000. Manifest Rationality. Mahwah, NJ: Lawrence Erlbaum Associates.
Kasachkoff, T. 1988. “Explaining and Justifying.” Informal Logic X, 21-30.
Labossiere, Michael C., Fallacies, hosted by The Nizkor Project.
Lunsford, Andrea and John Ruszkiewicz. Everything’s an Argument. Bedford Books, 1998.
McKeon, Matthew. Argument. Internet Encyclopedia of Philosophy.
Meiland, J. 1989. “Argument as Inquiry and Argument as Persuasion.” Argumentation 3, 185-196.
Pinto, R. 1991. “Generalizing the Notion of Argument.” In Argument, Inference and Dialectic, R. Pinto (2010), 10-20. Dordrecht, Holland: Kluwer Academic Publishers. Originally published in van Eemeren, Grootendorst, Blair, and Willard, eds. Proceedings of the Second International Conference on Argumentation, vol.1A, 116-124. Amsterdam: SICSAT. Pinto, R.1995. “The Relation of Argument to Inference,” pp. 32-45 in Pinto (2010).
RAIL, a blog about Reasoning, Argumentation, and Informal Logic.
Sinnott-Armstrong, W. and R. Fogelin. 2010. Understanding Arguments: An Introduction to Informal Logic, 8th ed. Belmont, CA: Wadsworth.
Skyrms, B. 2000. Choice and Chance, 4th ed. Belmont, CA: Wadsworth.
Snoeck Henkemans, A.F. 2001. “Argumentation, explanation, and causality.” In Text


Comments