by Ronald Michael Quijano, LPT
Masyadong malalim at maraming dapat basahin kung gusto natin maging matalino sa pangangatwiran. Sa sanaysay na 'to, susubukan kong ipaliwanag ang mga pangunahing impormasyon na mahalagang malaman at matutunan ng isang nakikipag-usap.
Kahit pa magmurahan kayo diyan sa Luneta, o kaya magsigawan ang mga ministro, pastor, at pari ng simbahan - hindi yan argumento. Kahit nakakatawa pa o kaya maangas yung mga bars mo, hindi nangangahulugang argumento yan. Hindi ito palakasan ng boses o kaya paramihan ng kakampi sa facebook. Nasanay tayong tignan ang salitang "argumento" bilang agresibong paraan ng talakayan. Kinabit din natin sa salitang ito ang pakikipag-away at maingay na sagutan. Sa usapang teknikal, makikita natin na ang argumento ay isa sa mga mahahalagang kasangkapan ng pakikipagtalastasan. Makikita natin ng malinaw kung ano ang mas may halaga, mas totoo, mas kapaki-pakinabang, at karapat-dapat panghawakan.
Nagsisimula ang argumento sa pagpapakawala ng pahayag - pang-ekonomiya, panrelihiyon, pampulitika, at kung anu-ano pa. Lahat ng pahayag ay may tinatawag na "truth value", ibig sabihin, maaring totoo at maaaring hindi. Makikita natin sa mga pahayagan at pagbabalita na hinihingian nila ng mga pahayag ang mga sangkot sa isang isyu. Hinihingian din ng pahayag ang mga suspek na sangkot sa krimen upang makita ang mga kapani-paniwalang pangyayari o maaring nangyari. Sa mga pahayag at ebidensiyang ito nakakapagpiga ng matibay at rasyonal na konklusyon.
Ang mga rason na kaakibat ng argumento ay tinatawag na "Palagay" (Premise). Habang ang sagot na mapipiga sa mga palagay ay tinatawag na "Konklusyon" (Conclusion). Ang argumento ay dapat nating tignan bilang isang paksa na hihinog sa pagiging kritikal at mapanuri ng isang lipunan, kung saan madalas natututo ang mga tao, hindi lang sa paaralan kundi maging sa lansangan.
Anong bang sukatan sa wastong pagrarason? Dapat siguro nating hasain ang sining ng argumento. Subukan nating simplehan. Makikita natin na mas maganda ang pundasyon at patutunguhan ng ating talakayan kung gagamiuan ng "Logic" o lohika - isa sa mga sangay ng pilosopiya. May iba't-ibang uri ng argumento na dapat nating gamitin depende sa sitwasyon.
A. Truth and validity
Bago natin isa-isahin ang mga uri ng pagrarason, nais ko munang talakayin ang dalawa sa mga mahahalagang katangian ng argumento na makakatulong sa atin magdesisyon kung tatanggapin ba natin o hindi ang isang pahayag; (1) Ang mga palagay ng argumento ay maaaring totoo. Sa Pilosopiya, ang totoo at mali ay mga katangian ng palagay (premise), at hindi ng argumento. (2) Ang argumento ay maaaring wasto. Wasto ang argumento kung lohikal na sinusundan ng konlusyon ang mga palagay (premises). Ang katotohanan ay tumutukoy sa palagay (premise) habang ang kawastuhan (Validity) ay tumutukoy sa kabuuan argumento.Halimbawa A1: Ang halimbawang ito ay nagpapakita ng totoong palagay at wastong argumento.
Premise 1: Lahat ng AsPin ay aso.
Premise 2: Si Bunak ay AsPin
Conclusion: Si Bunak ay aso
Sa halimbawang ito makikita na hindi lamang totoo ang mga palagay, kundi lohikal itong sinusundan para mapatunayan ang konklusyon.
Halimbawa A2: Ang halimbawang ito ay nagpapakita ng totoong palagay, ngunit 'di wastong argumento.
Premise 1: Lahat ng aso ay mammal
Premise 2: Ako ay mammal
Conclusion: Ako ay aso
Sa halimbawang ito makikita na totoo ang mga palagay, ngunit mali ang konklusyon. Totoong lahat ng aso ay mammal, at ako ay mammal, pero di ako aso (Peksman, mamatay man.) Dahil hindi naman lahat ng mammal ay aso.
Minsan naman, maaring totoo ang palagay (premise) at ang konklusyon, pero hindi wasto ang argumento dahil hindi lohikal na sinundan ng konklusyon ang mga palagay.
Halimbawa A3:
Premise 1: Si Julia ay may bagong kasintahan
Premise 2: Si Joshua ay umiiyak
Conclusion: Si Boy Abunda ay may bagong show.
Parang tanga lang 'di ba? Di ko na nga dapat ipaliwanag to, pero sige. Maari naman na may mali sa mga palagay (premise) pero wasto pa rin ang argumento.
Halimbawa A4:
Premise 1: Di mo na kayang umakyat sa puno kapag matanda ka na.
Premise 2: Si Tata Lino ay matanda na.
Conclusion: Di na makaakyat sa puno si Tata Lino.
Ang premise 1 ay hindi totoo, dahil hindi naman lahat ng matanda ay di kayang umakyat sa puno. Pero, tamang ipagpalagay na kaya di na makaakyat si Tata Lino sa puno ay dahil matanda na ito. Vice versa, maaring may isang tamang palagay (premise) ngunit di wasto ang argumento.
Makakabuo tayo ng apat na posibilidad sa pagtukoy ng totoong palagay at wastong argumento. (1) Totoo ang mga palagay at wasto ang pagrarason (True and Valid), (2) Iilan sa palagay ay di totoo ngunit wasto ang pagrarason (False but Valid), (3) Totoo ang mga palagay ngunit di wasto ang pagrarason (True but invalid), (4) Iilan sa palagay ay di totoo at di wasto ang pagrarason (False and invalid).
B. Types of Reasoning
Deductive Reasoning. Maganda sana ito, kaso limitado lang ang gamit. Simple lang ang patakaran sa deductive reasoning; Kung totoo ang palagay mo, totoo rin ang konklusyon mo. At di lingid sa kaalaman natin na limitado lang sa mundo ang alam nating totoo (Mahirap maghanap ng totoo sa totoo lang).Halimbawa B1;
Premise 1: Lahat ng tao ay mortal
Premise 2: Si Enrile ay tao
Konklusyon: Si Enrile ay mortal
Makikita natin na sinusuportahan ng premises and konklusyon, napatunayan natin ito dahil idinugtong natin ang konklusyon na pinatutukuyan ng totoong impormasyon sa mga palagay. Alam natin na si Enrile ay mortal dahil si Enrile ay tao, at ang lahat ng tao ay mortal.
Halimbawa B2;
Premise 1: Si Zebby ay bobo
Premise 2: Si Zebby ay tao
Konklusyon: Ang lahat ng tao ay bobo
Hindi wasto ang argumento dahil hindi pinatutunayan ng pagiging bobo ni Zebby ang kabobohan ng lahat. Maaring bobo si Zebby bilang tao pero hindi lahat ng tao ay bobo. Maari nating ibuntot ang konklusyon sa impormasyon ng premise.
"Ang lahat ng tao ay bobo" - Paano mo nasabi?
"Dahil si Zebby ay tao" - Ano naman kung tao si Zebby?
"Si Zebby ay bobo" - Si Zebby lang ba ang uri ng tao sa mundo? o Ang lahat ba ng tao ay si Zebby?
Pero tandaan, na hindi ibig sabihin ng wastong argumento ay totoo.
Halimbawa B3;
Premise 1: Lahat ng tao ay may buntot
Premise 2: Ang pamilya ko ay mga tao
Konklusyon: Ang pamilya ko ay may buntot
Ito ang halimbawa ng wastong argumento pero hindi totoo ang palagay (False but valid). Kung idudugtong natin ang konklusyon sa mga palagay (premises), makikita natin na sinusuportahan ito ng mga impormasyong pinanghahawakan ng mga palagay. gayunpaman, hindi totoo ang unang palagay na nagsasabing "Lahat ng tao ay may buntot." Tandaan ang basic rule ng deductive reasoning; Kung totoo ang mga palagay mo, totoo rin ang konklusyon mo.
Magaling ang deductive reasoning sa pagbibigay ng sigurado at totoong sagot, ang kaso lang, marami pa tayong hindi alam na totoo sa ating mundo. At malaki ang pangangailangan ng deductive reasoning sa mga totoong impormasyon.
Inductive Reasoning; Ito ang ginagamit nating pagrarason kung kaya't palagay tayo na mawawala ang sakit ng ulo natin kapag uminom tayo ng aspirin o ibuprofen. Kaya palagay tayo na buhay pa rin si Cardo sa mga susunod na episode. Kaya palagay tayo na hindi tayo male-late kung sasakay tayo ng LRT o MRT. Kung magaling sa pustahan at malakas kang manghula, pwedeng magaling ka sa inductive reasoning o kaya swerte ka lang.
Hindi sinusukat ng inductive reasoning kung totoo ang pinag-uusapan. Ang tungkulin nito ay alamin ang probabilidad kung gaano katotoo ang pinag-uusapan.
Halimbawa B4;
Premise 1: Karamihan ng Vlogger sa Pilipinas ay walang kwenta ang content.
Premise 2: Ang JaMill ay isa sa mga vloggers sa Pilipinas.
Konklusyon: Malamang ay walang kwenta ang content ng JaMill.
Mapapansin natin na may salitang "malamang" sa konlusyon, dahil wala itong sapat na kasiguruhan lalo na't limitado ang impormasyon sa ating mga premises. Ngunit, wasto pa rin ang ating pagrarason dahil meron tayong pinagbasehang impormasyon sa premise na maaring sumuporta sa ating konklusyon. Gumagamit din ito ng mga karaniwang karanasan upang pagtibayin ang maaaring mangyari ngayon o bukas.
Halimbawa B5;
Premise 1: Araw-araw akong dumadaan sa East service road tuwing umaga kapag papasok sa school.
Premise 2: Hindi ako nahuhuli sa klase kapag dito ako dumadaan.
Konklusyon: Kung dito ulit ako dadaan bukas ng umaga, malamang ay hindi ako mahuli sa klase.
Ang problema sa inductive reasoning ay; Hindi tayo sigurado na mangyayari ulit ang nangyari kahapon. Malaki ang pakinabang ng inductive reasoning kaya madalas natin itong ginagamit. Tandaan na may tamang pagrarason sa iba't-ibang uri ng okasyon.
Ang Contemporary American Philosopher na si Nelson Goodman ay nakakita ng butas sa paggamit ng induction reasoning.
Sabi niya; Tawagin natin ang kathang-isip na bagay na ito bilang "Grue"
-Ang Grue ay lahat ng kulay berde bago ang nakatakdang oras na tatawagin nating "t"
-Ang Grue ay magiging asul pagtapos ng "t"
-Kaya, mananatili itong berde bago ang "t" at magiging asul pagtapos ng "t"
-Hindi lang natin alam kung kailan ang "t" na ito. Pwedeng mamaya, bukas, o sa isang taon.
-Ngayon, ang mga emeralds ay grue dahil ito ay kulay berde. At magiging asul ito pagtapos ng "t"
Magkakaroon tayo ng problema kung gagamitan natin ito ng inductive reasoning, dahil;
Halimbawa B6;
Premise 1: Lahat ng grue ay kulay berde bago ang "t". At magiging kulay asul pagtapos ng "t"
Premise 2: Lahat ng emeralds ay berde.
Premise 3: Walang kulay asul na emerald.
Konklusyon 1: Ang emerald ay mananatiling berde dahil wala pang emerald na nanging asul.
Konlusyon 2: Ang emerald ay grue at magiging asul pagtapos ng "t"
Gamit ang inductive reasoning, nakabuo tayo ng dalawang magkasalungat na konklusyon. Ang problema sa inductive reasoning ay; Hindi tayo sigurado na ang nangyari sa nakaraan ay mangyayari ulit ngayon. Wala tayong mapag-ususapan kundi ang probabilidad ng ating konklusyon.
Abduction Reasoning. Madalas itong ginagamit ng mga doktor at imbestigador. Simple lang, sabi ni Sherlock Holmes, "Kapag natanggal mo na ang mga impossible, anumang matira ay ang katotohanan kahit di malamang." Madalas pinatutukuyan ang abductive reasoning bilang "paghinuha sa may pinakamahusay na paliwanag."
Hindi ito tulad ng inductive at abductive na kumakapit sa suporta ng impormasyon sa premises. Ito ay humahanap ng mas kapani-paniwalang paliwanag base sa mga ebidensyang nakalap.
Halimbawa B7:
-Si Bong ay senador na sinampahan ng kasong plunder.
-Si Bong ay hindi na pumasok sa senado matapos pumutok ang balita tungkol sa kaso.
-Si Bong ay nakikita ng mga tao sa Live-television.
-Si Bong ay nag-resign na sa senado.
Gamit ang deductive at inductive reasoning, hindi natin pwedeng gawing konklusyon na nag-resign si Bong sa senado. Ngunit kung gagamitan ng abductive reasoning, ito lang ang pinakamainan na maaring nangyari. Hindi natin maaring sabihin na; kaya di nakakapasok si Bong sa senado ay dahil may sakit siya dahil napapanood siya sa live television. Samakatuwid, alam nating may maganda siyang rason para mag-resign sa senado.
Halimbawa B8:
-Kumain kayo ng kaibigan niyo ng isaw kagabi.
-Nagising kayo pareho na masakit ang tiyan.
-Sira na ang nakain niyong isaw.
Hindi ibig sabihin na parehas kayong masakit ang tiyan ay patunay na sira ang isaw na kinain niyo, pero dahil parehas kayong masakit ang tiyan at parehas kayo ng kinain kagabi, at wala nang iba pang impormasyon na nabanggit, pinakamainam na ang paliwanag na sira ang nakain niyong isaw.
Kaya't mas mainam na kumakalap ng maraming ebidensya ang gumagamit ng abductive reasoning. Halimbawa ang mga doktor, imbestigador, abogado at hukom. Hindi naman yan yung pumunta ka ng clinic, sabi mo "Dok! Masakit po yung tuhod ko." tapos sasabihin sayo ng doktor na "Cancer yan bui!" Mapapansin natin na nagsasagawa sila ng maraming test bago magbigay ng diagnosis. Katulad din ng mga hukom, hindi yan magtuturo kung sinong trip niyang may-sala. Naghahanap yan ng mas maraming ebidensya hangga't kaya, para mas matibay ang mabubuo nilang konklusyon.
Kung tayo ay susuri ng mga argumento, mainam na tanungin natin ang ating sarili ng mga sumusunod; (1) May palagay bang sumusuporta sa konklusyon? (2) Totoo ba ang mga palagay? o kahit papaano'y kapani-paniwala? (3) Suportado ba ng mga palagay ang konklusyon o taliwas ito? (4) Lohikal ba ang paglalathala ng argumento? Dahil hindi lang basta bato nang bato ng argumento ang mga pilosopo, nagbibitaw sila ng argumento sa tamang paraan at sa tamang dahilan.
Last na, kung ikaw naman ay di sang-ayon sa argumentong binitawan ng iyong kausap, bumuo ka ng counter-argument gamit din ang tamang kasangkapan. Ganun din naman kung sasagot ka sa counter-argument ng kausap mo. Hindi yung sasagutin mo siya ng "Edi wow!" o kaya "Ikaw na magaling!" Kung gusto mo ng mayamang talakayan, gamitan niyo ng utak at wag pairalin ang puro damdamin. Rason bago puso. Di tayo nakakapag-isip ng maayos kapag tayo ay galit, malungkot, masyadong masaya, nagseselos, nasasaktan, o nabu-bwiset. Tandaan - lalo na sa social media - 'wag magagalit kapag may di sumang-ayon sa opinyon mo, wag mo silang sasagutin ng "I am entitled to my own opinion, I have free-speech." Totoo yun, at ganun din sila, kaya nga suamasagot sila sayo. Kaya kung ayaw mong makarinig ng mga pahayag na di sang-ayon sayo, wag ka na lang magsalita.
PS. Ipagpaumanhin niyo po ang aking pagsusulat. Patuloy ko pong inaaral ang epektibong pagsusulat gamit ang ating sariling wika.
May gusto ko bang idagdag sa usapan? May gusto ka bang pabulaanan sa mga nabanggit? Ibahagi ang iyong opinyon sa comment section.
Maraming salamat at mabuhay tayong lahat!
- End -
Next topic; Fallacies at ang mga Trolls
Sukatin ang kaalaman sa argumento. Take the Quiz! Click here.
References and further readings;
Bassham, G., W. Irwin, H. Nardone, and J. Wallace. 2005. Critical Thinking: A Student’s Introduction, 2nd ed. New York: McGraw-Hill.
Chung, Julianne. Critical Thinking; Fundamentals- Truth and Validity. Wireless Philosophy.
Copi, I. and C. Cohen 2005. Introduction to Logic 12th ed. Upper Saddle River, NJ: Prentice Hall.
Doury, M. 2011. “Preaching to the Converted: Why Argue When Everyone Agrees?” Argumentation26(1): 99-114.
Eemeren F.H. van, R. Grootendorst, and F. Snoeck Henkemans. 2002. Argumentation: Analysis, Evaluation, Presentation. 2002. Mahwah, NJ: Lawrence Erlbaum Associates.
Eemeren F.H. van and R. Grootendorst. 1992. Argumentation, Communication, and Fallacies: A Pragma-Dialectical Perspective. Hillsdale, NJ: Lawrence Erblaum Associates.
Green, H. Philosophical Reasoning - Deduction, Induction, and Abduction. Crash Course Philosophy.
Goodwin, J. 2007. “Argument has no function.” Informal Logic 27 (1): 69–90.
Govier, T. 2010. A Practical Study of Argument, 7th ed. Belmont, CA: Wadsworth.
Govier, T. 1987. “Reasons Why Arguments and Explanations are Different.” In Problems in Argument Analysis and Evaluation, Govier 1987, 159-176. Dordrecht, Holland: Foris.
Groarke, L. and C. Tindale 2004. Good Reasoning Matters!: A Constructive Approach to Critical Thinking, 3rd ed. Oxford: Oxford University Press.
Hitchcock, D. 2007. “Informal Logic and The Concept of Argument.” In Philosophy of Logic. D. Jacquette 2007, 101-129. Amsterdam: Elsevier.
Houtlosser, P. 2001. “Points of View.” In Critical Concepts in Argumentation Theory, F.H. van Eemeren 2001, 27-50. Amsterdam: Amsterdam University Press.
Johnson, R. and J. A. Blair 2006. Logical Self-Defense. New York: International Debate Education Association.
Johnson, R. 2000. Manifest Rationality. Mahwah, NJ: Lawrence Erlbaum Associates.
Kasachkoff, T. 1988. “Explaining and Justifying.” Informal Logic X, 21-30.
McKeon, Matthew. Argument. Internet Encyclopedia of Philosophy.
Meiland, J. 1989. “Argument as Inquiry and Argument as Persuasion.” Argumentation 3, 185-196.
Pinto, R. 1991. “Generalizing the Notion of Argument.” In Argument, Inference and Dialectic, R. Pinto (2010), 10-20. Dordrecht, Holland: Kluwer Academic Publishers. Originally published in van Eemeren, Grootendorst, Blair, and Willard, eds. Proceedings of the Second International Conference on Argumentation, vol.1A, 116-124. Amsterdam: SICSAT. Pinto, R.1995. “The Relation of Argument to Inference,” pp. 32-45 in Pinto (2010).
Sinnott-Armstrong, W. and R. Fogelin. 2010. Understanding Arguments: An Introduction to Informal Logic, 8th ed. Belmont, CA: Wadsworth.
Skyrms, B. 2000. Choice and Chance, 4th ed. Belmont, CA: Wadsworth.
Snoeck Henkemans, A.F. 2001. “Argumentation, explanation, and causality.” In Text Representation: Linguistic and Psycholinguistic Aspects, T. Sanders, J. Schilperoord, and W. Spooren, eds. 2001, 231-246. Amsterdam: John Benjamins Publishing.
Thomas, S.N. 1986. Practical Reasoning in Natural Language. Englewood Cliffs, NJ: Prentice Hall.
Walton, D. 1996. Argument Structure: A Pragmatic Theory. Toronto: University of Toronto Press.
Suportahan ang aming FB Page I-Like at Share Pilosopo Pilipinas |
Comments
Post a Comment