[Mod 1] Philosophy; Anong Meron?






by Ronald Michael Quijano, LPT

Pilosopo - tawag nila dun sa kakilala nilang loko-loko, kapag di nila maintindihan ang sinasabi nito o kaya naman kapag paikot-ikot ang mga tanong nito. Pero di ko sinisisi yung mga tao, siguro kasi kinalakihan na nila na tawaging pilosopo ang mga taong di nila naiintindihan ang pinagsasasabi. Pwedeng wala sa sarili o kaya naman ay hinahanap ang sarili. Nais kong talakayin sa sanaysay na ito ang kahalagahan ng pag-aaral ng pilosopiya sa buhay ng tao at kung bakit natin ito kailangan.

Madalas nating iniuugnay ang salitang pilosopo sa matatandang tanong nang tanong, at sa mga taong palabiro. Malamang sa malamang ay nabasa na rin natin ito sa isa sa mga akdang nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere. Isinasalarawan ng karakter na si Pilosopo Tasyo ang pagiging isang kalmado, wirdo, at matalinong taga-payo. Sa parehong pagsasalarawan sa kung paano nakikisama ang mga pilosopo sa sinaunang panahon. Sa sinaunang Athens makikita na ang mga pilosopo ay nagsasanay ng kanilang karunungan sa pagiging tagapayo sa mga lider ng gobyerno. Isa sa dahilan ay ang mga pilosopo'y may higit na kaalaman sa pagreresolba ng mga isyung panlipunan, hindi lang yan, ang mga pilosopo rin ay may espesyal na katayuan noong mga panahon na yun. Hindi lang sa Athens, maging sa kabilang panig ng mundo, tinatakbuhan ang mga pilosopo pagdating sa kalmado at matalinong pagpapayo. Maging sa sinaunang Tsina, mga pilosopo rin ang nagiging sandigan ng mga pinuno sa mas makatwirang pagpapasiya. 

Ngunit may tunay nga bang kahulagan ang pilosopiya? Madalas ay nakakatwa, nakakabagot, o kaya naman ay masyadong kumplikado, pero para saan nga ba ito? Mas mainam siguro na siyasatin natin ang salitang pinagmulan nito. Philosophy; sa wikang griyego, ang salitang Philo ay nangangahulugang “pagmamahal” habang ang salitang Sophia ay “karunungan”. Ang pagiging matalino ay pagsisikap na mabuhay at mamatay ng may kaayusan. Makikita natin na ang mga pilosopo ay nagtakda ng mga kasanayan na magiging gabay nila sa paghagad ng karunungan. Naging eksperto ang mga pilosopo sa mga bagay kung saan tayo ay hindi gaanong kagalingan. Lima rito ang nangibabaw;

Pag-isip sa malalaking katanungan. Ano bang kahulugan ng buhay? Paano magpatakbo ng lipunan? Meron bang Diyos? Totoo ba ang lahat ng 'to? - iilan lang yan sa mga katanungan na sa sobrang lawak na ang simpleng pagwawari-wari'y bibigay. Mahalaga sa larangan ng Pilosopiya ang pagtatanong. Dito natin makikita ang pagiging kritikal ng mga tao hindi lamang sa kanilang nasasakupan, maging sa kanilang mga sarili. Sa pagtatanong natin nalalaman na hindi lahat ng ating pinaniniwalan, tradisyon, at nakasanayan ay makatwiran. Sa pagtatanong din natin napapahalagahan ang pagiging progresibo natin bilang isang lipunan. Mula agham hanggang ekonomiya, sa pagtatanong lang tayo nagkakamit ng pagbabago at lalapit sa totoo. Hindi man natin malaman ang totoo, mas mainam nang malapit dito kaysa malayo sa kung ano ang totoo.

Madalas tayong magkamali dahil sa "Common Sense". Madalas mo yang naririnig di ba? Madalas din yang sinasabi sayo kapag may bagay na sa tingin ng tao dapat alam mo; kasi alam ng lahat. Kung may isang hindi pinagpupugay na konsepto ang mga pilosopo, ito yun; ang Opinyon ng Publiko o Common Sense. Ito yung mga naririnig mo sa kapit-bahay mong tsismosa, sa mga kaibigan mo, sa pamilya mo, at sa social media. Ito yung mga ideya o paniniwala na agad mong tinatanggap ng hindi pinag-iisipan. "Sentido Kumon!" sabi pa ng tatay ko sakin kapag may di ako naiintindihang sinasabi niya. Maaring nagtatanong ka na sa isip mo kung paano naging mali ang konsepto ng Common Sense. Hindi naman sa maling mali ang Common Sense, mali lang ang pangangatwiran at paghanap nito ng sagot. Ang sabi ng Common Sense; kapag popular o nakasanayan na ang isang ideya, totoo o tama na ito. Sa madaling salita, ang husga o praktikal na desisyon na halos araw-araw napagkakasunduan ng mas nakakarami. Ngunit hindi natin ito dapat ginagamit sa importante at malalaking bagay, halimbawa; Sa pananaw ng mga sinaunang tao sa mundo ay patag na kinalaunan ay napabulaanan ng agham. Inakala rin natin na ang mundo ang sentro ng sansinukob at ang araw ang siyang umiikot para sa atin. Inakala rin natin na walang masamang epekto ang paninigarilyo at marami pang iba. Nais ng pilosopiya na ipaubaya ang pagbibigay husga sa mga bagay gamit ang matalinong pangangatwiran o "Reason". Gusto nitong mag-isip tayo para sa sarili natin, gamit ang sarili natin, at ng sarili natin, tungkol sa pag-ibig, pera, karangyaan, lipunan, buhay, at marami pang iba. Hangarin ng pilospiya na mapagwari natin na mas kapanipaniwala at katanggap-tanggap ang ideya kung ito ay lohikal at hindi dahil ito ay popular. 

Madalas din kasi na ang dali-dali nating mahila ng mga argumento dahil lang popular. Halimbawa na lang ay yung artistang sikat o kaya naman ay yung social media influencer o vlogger o tiktoker na nagbigay ng pahayag at opinyon niya tungkol sa lipunan, karamihan satin kinapitan at tinanggap ng walang pag-aalinlangan. Bakit? Kasi sikat, siguro rin kasi alam niyang maraming nasa likuran niya kaya kung may hindi man sumang-ayon sa kanya, maraming magtatanggol sa kanya. Nakakatawa, kasi parang yung gamit ng argumento ay ipilit na tama ka kaysa alamin kung tama ka. Ang mga tao kasi ngayon, lalo na tayong mga pinoy, hirap na hirap tayong tumayo sa sarili nating argumento. Hindi rin tayo makagawa ng sarili nating katwiran. Kung mamatay lahat ng manunulat, kritiko, o kahit sinong pinaghuhugutan mo ng ideya o argumento - malamang sa malamang deretso yung argumento mo sa sementeryo. Di kasi tayo nasanay na mag-isip ng tayo lang. Lagi nating ginagamit yung argumento ng iba. Lagi nating pinanglalaban at sinusungalngal sa iba tapos kapag nagbigay ng di pagsang-ayon yung kausap mo di mo na kayang depensahan yung posisyon mo.

Nalilito pa rin ang isip natin. Madalas, may nakakasama ka o kaya naman may pangyayari na naiinis ka, pero di mo alam kung bakit. May problema kayo ng syota mo, nag-aaway kayo, pero di niyo alam kung anong pinag-aawayan niyo. Hindi rin natin alam kung kilala natin ang mga sarili natin. May minsan ba sa buhay mo na umupo ka ng taimtim at tinanong yung sarili mo ng "Sino ba ako?" "Ano bang gusto ko at ano bang ayaw ko?". Maraming estudyante ang nagtanong sakin dati, "Sir? Bakit kailangan pang kilalanin ang sarili? Eh kilala ko naman kung sino ako at ano ako." Minsan, akala natin ay lubos nating kilala ang pagkatao natin. May mga tanong tulad ng "Bakit ko ginagawa yung mga ginagawa ko?", meron naman "Bakit ko gusto yung mga gusto ko?". Minsan napatanong ako kung "Meron ba talagang ako? Hindi ba't ang tinatawag ko mismong pagkatao ko ay bunga ng karanasan at alaala na naipon ko habang lumalaki ako, na kahit wala ako, nandito pa rin sa mundo? Samakatuwid, anong ako?". Mahalaga sa mga pilosopo na inaalam nila ang pagkatao o totoong posisyon nila. Madalas, naliligaw ka sa mga sinasabi mo o ginagawa mo kung di mo naman alam kung sino ka at kung saan ka papunta. "Know Yourself", sabi ni Socrates. Madalas tayong galit dahil hindi natin lubos na maintindihan ang ating mga sarili.

Nalilito tayo kung paano maging masaya. "Kung bibigyan ka ng isang milyong piso pero mawawala lahat ng kaibigan mo, papayag ka ba?" Ganyan tanungan ng mga bata samin dati. O kaya naman "Isang libong sasakyan o isang libong chiks?", tawang tawa ka sa sagutan mo dati. Pero, hindi rin naman natin alam kung paano maging masaya. Una, malabo sa atin kung alin ba talaga ang magbibigay ng totoong ligaya sa buhay natin. Pinapalabo ng pag-aadvertise satin ng mga negosyante ang tunay na ibig sabihin ng kaligayahan. Alak, kotse, bahay, pagkain at kung anu-ano pa. Yung isang sikat na alak, may pakanta-kanta pa kasama ang mga kaibigan niya na puro naka-pormal, amoy mayaman at mukhang mayaman - para raw sa tagumpay. Pero kahit ilang alak ang inumin mo, kahit isama mo pa yang mga kaibigan mong gangster, walang importanteng ambag yan sa pagiging masaya o matagumpay mo. Ang ganda ng kotse sa tv commercial, kasama mga babaeng naka bra at panti, tuwang tuwa yung nagmamaneho, akala natin yan yung sagot sa kalungkutan. Pati mga vlogger na walang sawang sinusungalngal yung karangyaan nila na bunga ng kababawan nila. Lahat, akala ganiyan maging masaya, tapos sa dulo, magtataka ka. Nasa akin naman na, pero bakit parang saglit lang yung saya? Labis kasi kung tumaya tayo sa mga ganiyang bagay, tapos minamaliit natin yung mga simpleng bagay tulad ng paglalakad, pag-uusap, pagku-kwentuhan, pagsusulat, at pagbabasa.

Sa pagkataranta, di na tayo nag-iisip ng tama. Madalas na dahil sa galit, takot, pagkataranta, pagkabahala, at pagkadismaya, hindi natin namamalayan ang mga bagay na mas dapat pagtuunan ng pansin. Matapos mabalitaan ni Zeno, isang griyegong pilosopo, na naglaho ang lahat ng kaniyang ari-arian sa paglubog ng barkong nagdadala rito, wala siyang nasabi kung hindi "Tinadhana akong maging pilosopong walang maraming pasanin." Ang mga ganitong uri ng reaksyon ang naging dahilan kung bakit naging kaakibat ng pagiging pilosopo ang pagkakaroon ng kalmadong isipan, matalinong pangangatwiran, at tibay ng kaisipan para sa mas maayos na pananaw. Iiwan ka ng lahat ng iyong ari-arian, maging ang sarili mong kagandahan. Kung may isang bagay na dapat mong pagyamanin at pagtuunan ng pansin, ito ay ang iyong isip na siyang kasama mo hanggang kamatayan. 

Mahalaga ang pag-aaral ng pilosopiya dahil hindi lahat ng ating tanong ay kayang sagutin ng agham. Tulad ng ibang larangan, limitado ito sa tinanggap na pang-unawa. Sa pilosopiya, susubukan nating hanapan ng sagot ang mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng sikolohiya, agbuhay, o ng pisika. Tulad ng pag-unawa na kung ang mga desisyon natin ay bunga lamang ng mga reaksyong kemikal na nagyayari sa utak ko at mga karanasan na nakakaimpluwensya sa desisyon ko - malaya ba talaga ako? At kung hindi ako malayang magdesisyon, dapat ba akong panagutin sa mga ginagawa ko? Maliban sa pagtingin sa mundo sa kung paano natin ito nakikita, susuriin din natin ito. Sinisikap nitong unawain ang mga malawakang suliranin gamit ang iba't ibang anyo ng pakikipagtalastasan.

Bilang tao, natututo tayong magtanong upang mapabuti ang ating pamumuhay at para lubos na maintindihan kung bakit tayo nabubuhay. Ilan lamang ito sa mga nais sagutin ng pilosopiya, at ilan lamang ang limang nabanggit sa dami ng dahilan kung bakit mahalaga ang pilosopiya sa buhay ng tao. Sa mas malalim na pag-unawa sa larangang ito, sana ay isaisip natin na hindi tayo dapat sumagot sa bagay na hindi muna natin inintindi. Marami sa atin ngayon ang lubos na nagiging panatiko o bulag na alagad ng kinalakihang paniniwala. Una; unawaing lubos ang sinasabi ng iba, pangalawa; suriing mabuti ang sinasabi nila. Dapat bukas tayo sa posibilidad na baka mali ang ating pananaw, dahil ito ang paraan upang makita natin kung ang pananaw ay karapat-dapat panghawakan. 

PS. Ipagpaumanhin niyo po ang aking pagsusulat. Patuloy ko pong inaaral ang epektibong pagsusulat gamit ang ating sariling wika.

May gusto ko bang idagdag sa usapan? May gusto ka bang pabulaanan sa mga nabanggit? Ibahagi ang iyong opinyon sa comment section.

Maraming salamat at mabuhay tayong lahat!

- End -


Next topic; Argumento; Si Plato at Ang Tripartite Soul


References;

Four Reasons Why Philosophy Is As Relevant As Ever, Joanna Hughes, Bachelor Studies – 2018 - https://www.bachelorstudies.com/article/four-reasons-why-philosophy-is-as-relevant-as-ever/

Moral and Political Essays, Seneca

What is Philosophy for? School of Life, Alain de Botton  - https://www.youtube.com/watch?v=mIYdx6lDDhg



Comments