[Mod 2] Argumento; Si Plato at Ang Tripartite Soul
by Ronald Michael Quijano, LPT
October 5, 2021
-Pinipilosopo mo ba ako?
-Oo!
Pinipilosopo kita, pero nagtatanong ako nang maayos. Madalas kasi mukhang joke kapag malalim yung tanong o kaya dugtong-dugtong. Di pa naman tayo madalas nakakarinig ng mga malalalim na tanong. Pamilyar lang tayo sa mga tanong na tulad ng kung sino ang latest na may sex scandal? Anong vital statistics mo? Ilan na likes ng picture mong nakahubad? O kaya kung sino ang mas may point; si Makagago ba o si Marlou? Hindi naman sa tinatanggalan ko ng karapatan na magkaroon ng kaunting kasiyahan sa pagiging mababaw - dahil ako, nag-eenjoy rin minsan. Ang masama ay nasanay tayo sa kababawan at yan na yung naging tanging paraan natin para makipagtalakayan. Parang naging career na ng utak natin ang pagiging sabaw. Bunga ng pagkalulong sa kababawan ay ang paghahalintulad ng salitang "pangangatwiran" sa "pagdadahilan".
Minsan nang sinabi ni Aristotle (Di mo siya kilala? Nakakaawa ka) na ang tao ay "Rational Animal," ibig sabihin na ang pangangatwiran ang natatanging katangian ng tao - ito ang nagbubukod satin sa pagiging hayop. Oo, hayop ka, hayop tayo, pero may kaibahan tayo sa kanila at ito yun. Medyo nakakahiya lang kung paano tayo magpakawala ng argumento sa comment section ng Facebook. Lalo na kapag nakatikim ang Ego natin ng sandamakmak na likes at "haha" react - feeling natin, tayo na ang may-ari sa sanlibutan. Hindi sa nilalahat ko, pero karamihan ng tao ngayon madalas nangangatwiran - pati ikaw. Kapag nagpapadagdag ka ng baon sa nanay mo, kapag pinatawag ka sa guidance o OSA, kapag ginabi ka ng uwi at di ka nagpaalam sa girlfriend mo, etc,. Ang problema, karamihan sa atin nalilito sa mahusay na pangangatwiran, yung tipong matibay ang pundasyon ng argumento mo, nagbigay ka ng ebidensya, at pinag-isipan mo nang matagal - kaso hindi. Akala natin tama ang argumento kapag nakakatawa yung banat, o kaya may kasamang mura, yung galit na galit gustong manakit, minsan personalan pa. Kapag magaling mang-trash talk, mukha nang tama. Hindi ganun kadali yun.
Madali tayong madala sa mga argumento, halos dito na umiikot ang araw-araw na buhay natin. Sa tuwing nagpapaliwanag ka ng pinaniniwalaan mo o nanghihikayat ka - nagbibigay ka ng argumento. Pero kung matututunan natin ito ng maayos, hindi ka lang magiging magaling na pilosopo, mas magiging kapanipaniwala pa ang mga sasabihin mo. Kaya mas mainam siguro na marunong ka ng tamang pakikipagtalakayan.
2400 years ago, matibay na pinaliwanag ni Plato kung paano gumagana at dapat gumagana ang pangangatwiran sa isang tao. Tinawag niya itong "Tripartite Soul" Ang pag-iisip daw ng tao ay nahahati sa tatlo; (1) Logos-Reason, (2) Spirited-Emotion, (3) Appetitive-Instinct.
Simulan natin sa dulo. Una, ang Appetitive-Instinct ang siyang pagkakatulad natin sa mga hayop. Ito ang nagtutulak sating kumain, depensahan ang sarili, at makipagtalik. Kaya kung ang dahilan mo kung bakit hindi mo pa rin iniiwan ang syota mo dahil gwapo/maganda/seksi/matikas ito. Kahit ginagamit at pini-perahan ka lang niya, ibig sabihin ikaw ay nadadala o nagdi-desisyon gamit ang iyong Apetitive-Instinct.
Makikita natin yung mga ganito mangatwiran (kahit sa pagdedesisyon), kapag nadadala sila sa tawag ng laman - at para kay Plato hindi ito nakakabuti para sa kanila. (1) Kung kani-kanino nakikipagtalik kasi sarap na sarap. (2) Mas masipag mag-research kung saan makikita ang source ng latest sex scandal. (3) Kain nang kain na akala mo bibitayin, nagpapadala sa araw-araw na cravings kakapanuod ng Mukbang. Tapos kapag sumobra sa taba, ipaglalaban na maganda sila kahit ano pang laki ng tiyan nila, kahit alam nilang pwede silang mamatay sa diabetes o high blood. (4) Nakiapid sa relasyon ng iba dahil alam niyo na. Ilan lang yan sa mga desisyong nadadala sa tawag ng laman. Minsan na tayong nadala sa ganyan, madalas nga naman na hindi maganda yung kinakalabasan.
Pangalawa, ang Spirited-Emotion ay kadalasang pinatutukuyan ang ating pagiging emosyonal o maramdamin. Ito ay kung paano dinadala ng emosyon ang pagdedesisyon mo. Ito ay kung paano ka nagpapadala sa galit, ambisyon, sakit, at saya. Ito ang nagbibigay sayo ng karangalan at dignidad. Kaya kung nagpo-protesta ka sa kalsada dahil galit ka, pinagtripan mo yung kaklase mo kasi masyado kang masaya, o kaya naman hindi mo maiwan yung syota mo kasi sabi mo hindi ka mabubuhay nang wala siya (Hatdog) - ibig sabihin, ikaw ay nadadala ng iyong Spirited-Emotion.
Subukan nating laliman yung pagkilatis, dahil tulad ng sinabi ni Plato sa nauna, hindi madalas maganda ang resulta. Madalas lumalabo ang pag-unawa natin dahil sa galit. Nagiging padalos-dalos ang ating pagkilos. Ang pagdi-desisyon ay pabigla-bigla dahil sa taranta. Hindi na tayo nakakapag-isip nang maayos sa sobrang pagdadalamhati. Nakakasakit na tayo ng iba dahil sa sobrang saya. At naawa tayo sa mga kinakatay na baboy dahil napamahal na tayo kay Peppa Pig.
Pangatlo, ang Logos-Reason ay tumutukoy sa ating pagiging rasyonal o lohikal. Ito ang parte ng ating sarili kung saan tayo ay naka-pokus sa kung ano ang totoo, paghanap ng ebidensya, at makatwirang argumento. Kaya kung handa kang tanggapin ang katotohanan kahit masaktan ang damdamin mo, o kaya ay hindi ka kumakain ng sandamakmak na lechon tuwing fiesta dahil alam mong magkaka-highblood ka, o kaya ay iniwan mo na ang syota mo dahil yung ulo mo sa taas ang ginagamit mo; ibig sabihin, ikaw ay ginagabayan ng Logos-Reason.
Ang nakakatawa lang para sa iilan, naniniwala si Plato na ang mga taong nagpapadala sa emosyon o tawag ng laman ay hindi gaanong tao (parang hayop pero di masyadong tao). Kaya nga tawag ng nanay mo sa kaaway ni Cardo Dalisay "Hayop". Parehong tatak ang binibigay natin sa mga gumagawa ng karumaldumal na krimen; "Hayup!" sabi niyo dun sa rapist o kaya sa nang-massacre. O kaya naman ay yung mga taong di nakilos ng normal, yung out-of-this-world yung trip; dinidilaan yung plato pagtapos kainan, di naghuhugas ng puwet pagtapos tumae, o kaya yung Jeepney Driver na mabilis magpatakbo at ang lakas suminga tapos nasa likod ka niya - Hayup! di ba?
Karamihan sa mga pilosopo ay hindi sumasang-ayon kay Plato sa ganitong konsepto - o sa ideya na may mas tao at may hindi gaanong tao (paano yun? Kalahating baboy kalahating tao?). Pero, naiintindihan natin na tayo ay nadadala sa tawag ng laman, emosyon, at mga katwiran. At karamihan sa mga pilosopo ay sumasang-ayon kay Plato na dapat ang Logos-Reason ang nangunguna sa paggawa ng desisyon.
Kung ating papansinin, maiisip natin na meron din namang magandang dulot ang pagde-desisyon na dala ng tawag ng laman at emosyon - halimbawa; Kumakain tayo para hindi magutom. Nakikipagtalik tayo para magpatuloy ang ating henerasyon. Napaglalaban natin ang mga karapatang pantao dahil sa pagmamahal. Nakakatulong tayo sa mga nangangailangan dahil sa simpatya. Napagtitibay natin ang ating relasyon dahil sa emosyon.
Pero para sa mga pilosopo, kung gagamitin natin ang ating rasyonal na pangangatwiran at pagsasaalang-alang ng mga pangyayari sa ating lipunan - maging sa ating personal na buhay - ay mas lohikal at tama ang ating magiging desisyon. Kakain tayo para di tayo mamatay. Makikipagtalik tayo sa tamang paraan. Maipaglalaban natin ang mga karapatang pantao ng may ayos at di padalos-dalos, ng may magandang plano at pagsasalita ng matalino. Tutulong tayo sa mga nangangailangan upang mapangalagaan ang ating seguridad. Pagtitibayin natin ang ating relasyon dahil tayo ay tao.
PS. Ipagpaumanhin niyo po ang aking pagsusulat. Patuloy ko pong inaaral ang epektibong pagsusulat gamit ang ating sariling wika.
May gusto ko bang idagdag sa usapan? May gusto ka bang pabulaanan sa mga nabanggit? Ibahagi ang iyong opinyon sa comment section.
Maraming salamat at mabuhay tayong lahat!
- End -
Next topic; Epektibong Argumento at Pagrarason
Ref;
Green, Hank (2016) How to Argue - Philosophical Reasoning: Crash Course Philosophy #2
Kerns, Tom, Plato's three parts of the soul, North Seattle Community College
Olshewsky, Thomas, On the Relations of Soul to Body in Plato and Aristotle,
Plato's Tripartite Theory of the Soul: Definition & Parts
May gusto ko bang idagdag sa usapan? May gusto ka bang pabulaanan sa mga nabanggit? Ibahagi ang iyong opinyon sa comment section.
I-Like ang aming FB Page Click Here |
Comments
Post a Comment